Mga pasaherong lalabag sa “no vax, no ride” policy, posibleng maharap sa criminal offense

Pahaharapin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kasong criminal ang mga commuter na magpapakita ng pekeng vaccination cards o medical certificates sa gitna ng pagpapatupad ng “no vaccine, no ride” policy.

Babala ni LTFRB-National Capital Region Director Zona Tamayo, mabigat ang magiging parusa dahil bukod sa kulong ay pagmumultahin pa ang mga violator.

Simula bukas, January 17, ay ipatutupad na sa Metro Manila ang “no vax, no ride” policy kung saan bawal sumakay sa mga pampublikong sasakyan ang mga hindi bakunado kontra COVID-19.


Exempted naman sa polisiya ay mga may medical conditions pero kinakailangan nilang magpakita ng medical certificate na may pangalan, pirma at contact details ng kanilang doktor.

Habang ang mga lalabas para sa essential goods and services ay dapat na magpakita ng health pass mula sa barangay o iba pang pruweba na magbibigay-katwiran sa kanilang pagbiyahe.

Para sa unang linggo ng implementasyon nito, bibigyan lang muna ng warning ang mga unvaccinated commuter.

Dagdag ni Tamayo, magde-deploy din sila ng mga “mystery passenger” sa mga pampublikong sasakyan para mamonitor at masigurong naipatutupad at sumusunod ang lahat sa polisiya.

Samantala, ang mga tsuper at operators na mahuhuling lalabag sa “no vax, no ride” policy ay pagmumultahin din ng hanggang P10,000.

Facebook Comments