Mga pasaherong pauwi ng probinsya, buhos pa rin sa mga pantalan

Dagsa pa rin ang mga pasaherong nagsisipag-uwian sa kanilang mga probinsya ngayong biyernes santo.

 

Simula alas 12:00 ng madaling araw hanggang alas 6:00 ng umaga kanina, umabot na sa 16,769 na mga pasahero ang bumiyahe sa mga pantalan sa buong bansa.

 

Pinakamarami ay naitala sa Western Visayas na nasa 3,909 na sinundan ng Southern Tagalog na nasa 3,837.


 

Nasa 2,217 mga pasahero naman ang dumagsa sa mga pantalan sa Central Visayas; 2,821 sa Eastern Visayas; 1, 253 sa Southern Visayas; 1,607 sa South Eastern Mindanao; 266 sa Northern Mindanao at 859 sa Bicol Region.

 

Samantala, sa datos ng Philippine Coast Guard (PCG) pumalo sa mahigit 100,000 pasahero ang dumagsa sa mga pantalan. Kaugnay nito, lalo pang pinaigting ng PCG ang seguridad sa mga pantalan.

 

Sa ngayon ayon kay PCG Spokesman Capt. Armand Balilo, wala pa namang naitatalang major incident mula nang bumuhos ang maraming pasahero para sa lenten break.

 

Sa linggo at lunes, inaasahang papalo muli sa peak o pinakamataas na bilang ng mga pasahero ang bubuhos sa mga pantalan para makabalik sa Metro Manila.

Facebook Comments