Thursday, March 26, 2026

Mga patakaran para sa pagtitipid, inilabas ng Comelec ngayong may energy emergency

Ipinag-utos ng Commission on Elections (COMELEC), sa pamumuno ni Chairman George Erwin M. Garcia, ang pagpapaliban ng mga non-essential na aktibidad at biyahe kaugnay ng pagpapatupad ng Executive Order No. 110 na nagdedeklara ng national energy emergency.

Kabilang sa ipinagpaliban ang Election Expo Convention and Conference, Asian Electoral Stakeholders Forum VII, Philippine Election Expo, at National Goodwill Games, gayundin ang mga team-building activity na may kaugnayan sa biyahe at mataas na gastusin.

Nagpasya rin ang COMELEC na kanselahin ang partisipasyon nito sa mga foreign election observation mission bilang bahagi ng pagtitipid sa enerhiya at gastusin.

Ipatutupad din ang work-from-home arrangement tuwing Lunes sa mga tanggapan ng COMELEC mula April 6 hanggang April 27, 2026, alinsunod sa umiiral na Civil Service rules sa limang araw at apatnapung oras na workweek.

Bumuo rin ang COMELEC ng Emergency Response Committee na tututok sa mga hakbang para sa energy at cost-saving measures sa ahensya.

Nilinaw ng COMELEC na hindi saklaw ng direktiba ang mga aktibidad na direktang may kaugnayan sa paghahanda at pagsasagawa ng halalan, kabilang ang Bangsamoro Parliamentary Elections at 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, gayundin ang iba pang pangunahing tungkulin ng komisyon.

Facebook Comments