Sa ating nakuhang datos mula sa Cauayan City District Jail, mula sa mga kasong naitala sa Lungsod na nagawa ng 239 PDLs na kinabibilangan ng labing tatlong mga babae, pinakamarami sa mga nakapiit ang may kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na umaabot sa 62 na kinasasangkutan ng 30 kalalakihan at walong mga babae.
Sa Index Crimes naman, pinakamarami ang mga sangkot sa kasong Rape o Panggagahasa na may 51 kaso; pumapangalawa ang mga sangkot sa kasong Murder o Pagpatay na may 34; labing anim sa kasong Homicide; pito (7) sa kasong Robbery; pito (7) rin sa kasong Theft at 48 naman sa iba pang krimen. Kaugnay nito, nasa 163 ang kabuuang bilang ng mga kasong pasok sa Index Crime habang nasa isang daang kaso naman sa Non-Index Crime.
Sa kabuuan, umaabot sa 397 na iba’t-ibang mga kaso ang kabuuang bilang ng mga kasong kinakaharap ng mga PDL kung saan ilan sa kanila ay mayroong multiple counts na kaso.
Samantala, kasabay ng pagpayag ng Cauayan City District Jail sa personal na pagdalaw sa mga PDL ay mahigpit naman ang kanilang ginagawang pagbabantay at inspeksyon sa mga kaanak o pamilyang bumibisita lalo na sa mga dinadalang pagkain o mga gamit sa loob ng kulungan.
Ito ay para matiyak na walang maipuslit o maipasok na mga kontrabando sa loob ng nasabing kulungan.
Bagamat pwede na ang face to face na pagbisita sa mga PDL, mayroon pa rin ipinatutupad na limitasyon at protocols ang pamunuan ng Cauayan City District Jail sa mga dadalaw para iwas pa rin sa pagkalat ng covid-19.