*Cauayan City, Isabela- *Handa nang bumoto sa Lunes, May 13, 2019 ang nasa animnapu’t tatlong Persons Deprived of Liberty (PDL) ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Cauayan City.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Jail Chief Inspector Atty. Romeo Villante sa naging panayam ng 98.5 RMN Cauayan sa kanya.
Aniya, sa minimum na 50 katao ay magkakaroon ng isang presinto sa loob ng BJMP para sa mga PDL’s upang makaboto ang mga ito kasama ang mga mangangasiwa na Election Boards at mga Comelec staff.
Ayon pa kay Atty. Villante, handa na ang mga PDL’s maging ang kanilang pasilidad na gagamitin para sa pagboto ng mga ito.
Kung makakaboto na anya ang mga PDL’s ay dadalhin na ang Vote Counting Machine (VCM) at election paraphernalia sa pinakamalapit na polling precinct para sa pagbibilang sa mga balota.
Tiniyak din ng kanilang pamunuan ang magiging seguridad ng kanilang tanggapan upang matapos ang eleksyon na maayos at mapayapa.