Friday, March 13, 2026

Mga Pilipino sa California, pinapayuhang maging alerto sa gitna ng umano’y banta ng pag-atake ng Iran

Hinimok ng Malacañang ang mga Pilipino sa California na manatiling alerto at mapagmatyag kasunod ng ulat tungkol sa posibleng banta ng pag-atake mula sa Iran.

Ayon sa impormasyon na ipinadala umano ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa mga police department sa California, may tangkang pagpapakawala ng unmanned aerial vehicles o drones ang Iran sa hindi tinukoy na target noong Pebrero.

Nagbabala rin ang ahensya ng posibleng pag-atake sa hinaharap.

Kaugnay nito, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga Pilipino saan mang panig ng mundo.

Handa aniya ang gobyerno na magsagawa ng repatriation kung kinakailangan.

Dagdag ni Castro, hindi ipinagwawalang-bahala ng Malacañang ang ganitong mga ulat, lalo na kung nagmumula sa mga awtoridad sa Estados Unidos.

Binigyang-diin din niya na mahalagang maging handa sa ganitong sitwasyon upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga Pilipino sa ibang bansa.

Facebook Comments