Sunday, March 1, 2026

Mga Pilipinong nangingisda sa Bajo de Masinloc at Escoda Shoal, muling hinarass ng mga barko ng China

Muling nakaranas ng pangha-harass ang mga Pilipinong nangingisda sa bahagi ng West Philippine Sea.

Ayon kay Rear Admiral Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West PH Sea, hinarang at pinagbawalang mangisda ang mga Pinoy ng mga barko ng Chinese Maritime Militia at Chinese Coast Guard malapit sa Bajo de Masinloc.

Bilang tugon, ipinadala aniya ang barko ng PCG na BRP Cabra at sampung BFAR vessels para samahan ang mahigit 30 bangkang sakay ang mga Pilipinong mangingisda.

Naghatid din ng mga supply ang mga barko para sa mga mangingisda gaya ng mga krudo, pagkain at yelo sa ilalim ng Kadiwa para sa Bagong Bayaning Mangingisda Program.

May namataan din ang PCG na drone na tila kinukunan ang kanilang aktibidad kung saan nawala rin umano ang koneksyon ng Starlink sa loob ng 12 nautical miles mula sa Bajo de Masinloc.

Nagtungo naman ang PCG vessel BRP Cape Engaño para bigyang seguridad ang mga mangingisda sa Escoda Shoal matapos din harangin ng mga barko ng China.

Sinabi ni Tarriela na mananatili ang barko ng PCG para matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisda.

Facebook Comments