Aabot na sa 42 indibidwal na gumagamit ng vape o electronic cigarrete sa pampublikong lugar ang naaresto ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office.
Ayon kay NCRPO Director Police Brig Gen Debold Sinas, agad din nilang pinakawalan ang mga naaresto matapos maisailalim sa booking procedure dahil sa wala namang kasong maisasampa sa mga ito.
Aabot naman sa halos 200 vape stores ang kanila nang naipasasara sa Metro Manila kasunod na rin ng kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Maliban sa mga naipasara na, aabot na rin sa 178 na mga tindahan ng vape maging sa mga malls ang kanilang naabisuhan na magsara na kung ayaw makastigo ng mga ito.
Sa ngayon mahigit 2 libong operasyon na ang naikasa ng NCRPO kontra sa mga gumagamit ng vape at ito aniya’y magpapatuloy kahit abala ang karamihan dahil na rin sa pagbubukas ng 30th South East Asian Games.