Mga Pinoy crew na kasamahan ng nawawalang Pinoy seafarer na si Ralph Anthony Bobiles, pinahaharap sa DMW

Inatasan na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang manning agency ng nawawalang Pinoy seafarer na iharap sa kanya ang mga Pinoy crew na kasamahan sa barko ng missing deck cadet na si Ralph Anthony Bobiles.

Ayon kay Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac, 21 Pinoy crew ang sakay ng Panama-flagged vessel na Prestige Ace at nais nilang makunan ng statement ang mga kasamahan ni Bobiles.

Sinabi pa ni Cacdac na hinihintay din nila ang resulta ng imbestigasyon ng Panamanian authorities hinggil dito.


Si Bobiles ay napaulat na nawawala mula pa noong December 5, 2024, habang patungo ng Baltimore, USA ang barko mula sa Vera Cruz, Mexico.

Sinuspinde na ng DMW ang lisensya ng manning agency na Parola Maritime Agency at inoobliga sila na magsumite ng full investigation report sa pagkawala ng Pinoy seafarer.

Ito ay lalo na’t nabigo ang manning agency na mag-report sa mga awtoridad ng Baltimore nang dumaong sa Amerika ang barko.

Facebook Comments