Pinapayuhan ng Filipino Community leader ang kanilang mga kapwa-Pinoy sa Russia na laging mag-charge ng cellphones at tiyaking meron silang extra battery.
Sa harap ito ng tensyon sa Moscow matapos na kasuhan ng Russian National Anti-Terrorism Committee ang pinuno ng paramilitar doon na si Yevgeny Prigozhin.
Pinapayuhan din ang mga Pinoy sa Russia na huwag mag-iwan ng pera sa bahay para kapag may emergency ay mayroon silang dalang pera at may fully-charged na cellphone na maaring ipangtawag sa mga awtoridad.
Una nang naglabas ng abiso ang Philippine Embassy sa Russia sa harap ng paghihigpit ngayon sa seguridad sa Moscow tulad ng mas mahigpit na pagkontrol sa trapiko at ang pagbabawal sa mga pagtitipon.
Pinapayuhan din ng embahada ang mga Pilipino sa Moscow na maging mapagmatiyag, umiwas sa mga mataong lugar, huwag makilahok sa mga demonstrasyon, at huwag mag-post ng komento sa social media hinggil sa sitwasyon doon.
Hinihimok din ang mga Pilipinong nakatira sa Rostov-on-Don, Belgorod, at ibang lugar sa boundary ng Russia at Ukraine na ipaalam sa embahada ang kanilang sitwasyon.