Uunahin sa bakunahan kontra COVID-19 ang mga paalis na Pinoy seafarers.
Sa pagdinig ng House Committee on Overseas Workers Affairs, kinumpirma ni Transportation Undersecretary Raul Del Rosario na prayoridad para sa COVID-19 vaccination ay ang mga tiyak na paalis na rehistradong seafarers.
Oobligahin ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang licensed manning agencies o LMAs na magsumite ng listahan ng seafarers na ide-deploy sa ibang mga bansa sa loob ng susunod na 60 hanggang 90-araw na magiging batayan ng timeline ng vaccination.
Sa tala ng MARINA, mayroong 497,680 na active overseas seafarers ngayon base sa kanilang database sa nakalipas na tatlong taon, at iba pa ang domestic seafarers na aabot sa 51,646.
Sinabi rin ni Del Rosario na sa ngayon ay humiling na ang MARINA ng initial allocation ng bakuna na aabot sa 60,000 doses kada buwan na magdedepende pa rin sa approval ng vaccination cluster ng pamahalaan.
Sa gitna rin ng pagdinig ay nagsumite ang samahan ng manning agencies ng manifesto para gawing mas simple ang proseso ng bakunahan para sa mga Pinoy seafarer.