Mga Plano, Datos Pinansyal at Propaganda ng NPA sa Isabela, Nabisto sa Isang External Hard Disk Drive!

*Cauayan City, Isabela- *Natuklasan na ng militar ang mga confidential files na laman ng pinaka-iingatang external hard disk drive na pagmamay-ari ng isang Kumander ng Reynaldo Piñon Command (RPC) New People’s Army sa Lalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Sgt Rex Salibad ng 95th Infantry Brigade ng 5ID, Philippine Army, nakuha ang external hard disk drive na nakalagay sa isang lunchbox matapos na isuko ni Ka Marlboro, squad leader ng Kilusang Larangang Gerilya-Central Front na nagbalik loob sa pamahalaan noong Nobyembre 2019.

Nabatid na ang external hard disk ay pagmamay-ari ng nagngangalang Michael Eraña o alyas Ka Bang, Kumander at Secretary ng NPA Isabela na naglalaman ng mga plano, datos pinansyal partikular na ang hatian ng bawat Kadre at mga nasa mabababang pwesto, at mga ginagawang propaganda laban sa gobyerno.


Kasama din sa mga natuklasan ay ang mga ginagawang proseso sa pangongotong sa mga negosyante at maging sa mga ordinaryong mamamayan.

Ipinatago ni Ka Bang ang external hard disk kina alyas Axel at Marlboro at pinayuhang ingatan ito upang hindi masira at kukunin din niya ito pagkatapos ng kanyang lakad sa ibang lugar.

Ayon pa kay Sgt. Salibad, ang mga files na nasa loob ng external hard drive ay encrypted ng dalawa o tatlong beses upang hindi agad ito mabuksan maliban na lamang kung IT expert ang magbubukas.

Base aniya sa mga nakitang impormasyon ay patunay lamang na walang ipinaglalaban ang mga NPA bagkus ay napatunayan na mayroong nangyayaring matinding korapsyon sa loob ng kanilang kilusan na pinangungunahan ng mga Kadre.

Paalala naman sa mamamayan na huwag mag-atubiling lumapit at magsumbong sa militar o sa hanay ng pulisya upang agad itong maaksyunan.

Facebook Comments