Hinikayat ngayon ng Makati City Government ang mga pribadong kumpanya na iparehistro ang mga vaccination site na kanilang itatayo sa mga susunod na buwan.
Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay, ang naturang hakbang ng Local Government Unit (LGU) ay para masiguro na ang mga vaccination site ay maaabot ang mga pamantayang itinakda ng Department of Health (DOH).
Matatandaan na naaprubahan kamakailan ng city council ang isang Ordinance No. 2021-094 o ang COVID-19 vaccination site standardization protocol at registration process kung saan ang lungsod ay nakapagbakuna na ng mahigit 50,000 doses ng mga bakuna na ibinigay ng national government sa mga residente ng Makati sa ilalim na rin ng A1 hanggang A3 priority group.
Paliwanag ng alkalde na kanilang inaasahan na ang mga pribadong sektor ay maglalagay na rin ng kanilang sariling vaccination sites para sa rollout ng COVID-19 vaccine sa kanilang mga empleyado sa napipintong pagdating ng mga bakunang kanilang binili.
Paliwanag ni Mayor Binay, ina-adopt ng ordinansa ang mga probisyon ng Philippine National COVID-19 Deployment and Vaccination Plan para na rin sa kapakanan ng mga manggagawa.
Umapela ang Makati City Government sa mga pribadong sektor na makipagtulungan sa kanilang layunin na makamit na mabakunahan ang lahat ng mamamayan, kabilang ang mga empleyado at manggagawa na nakatira sa ibang lugar upang tuluyan ng maprotektahan at ligtas ang lahat laban sa COVID-19.