Isinusulong ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na bigyan ng tax perks ang mga donor para sa COVID-19 vaccine ng mga guro at mga mag-aaral sa ilalim ng Adopt-a-School Program.
Sa House Bill 9200 na inihain ni Defensor, bibigyan ng tax benefits ang mga private corporations at mga mayayamang indibidwal na mag-i-sponsor ng COVID-19 vaccination ng nasa 933,000 na mga guro at 23 million na mga estudyante sa public school system.
Ang mga donors ay entitled na makakuha ng 150% na “additional deduction” sa tax mula sa gross income base na rin sa ginastos o biniling bakuna.
Giit ni Defensor, kailangan na ng tulong ng private sector kaya magandang panghikayat ang kabawasan sa buwis.
Bukod dito, dapat na rin aniyang madaliin ang immunization sa mga guro at mga mag-aaral para sa ligtas na pagbubukas ng klase.
Umaasa naman si Defensor na maaaprubahan ng mga regulators sa 2022 ang COVID-19 shots para sa mga kabataan edad 16 taong pababa.