Bagamat kumpirmado na vineto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Security of Tenure Bill, hindi pa malinaw sa ngayon kung ano-ano ang dahilan ng Pangulo sa pagbaril sa nasabing panukala.
Sa mensahe ni Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, ang tanging nasabi lamang nito ay “Security Tenure Bill vetoed by the President.”
Pero sa lumabas na veto message, sinabi ng pangulo na sa kabila ng pag veto niya sa Security of Tenure Bill, nananatili ang commitment nito na protektahan ang karapatan ng mga manggagawa.
Sa nasabi pang kumalat na veto message, sinabi ng pangulo na dapat tuldukan na ang labor-only contracting pero ang legitimate job-contracting ay pinapayagan basta’t ang mga contractor ay may sapat na puhunan, tamang kapital at kaya nitong bigyang benepisyo ang lahat ng kanyang mga empleyado.
Sa ngayon, hinihintay pa rin ng media ang opisyal na kopya ng veto message ni pangulong Duterte na magmumula sa Malacanang.