Pinasisilip ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa Senado ang mga programa at proyekto ng pamahalaan para resolbahin ang lumalalang problema sa trapiko sa Metro Manila at iba pang lungsod sa Pilipinas.
Sa inihaing Senate Resolution 859 ni Villanueva, tinukoy nitong mayroong personal, social, environmental at economic impact ang traffic congestion.
Katunayan, sa datos ay tumaas ng 10 hanggang 20 porsyento ang traffic volume sa EDSA noong 2022 na katumbas ng aabot sa 417,000 hanggang 430,000 na mga sasakyang dumadaan sa tinuturing na major thoroughfare ng Metro Manila.
Dagdag pa aniya rito ang pagtaas ng bilang ng mga turista tuwing buwan ng Disyembre.
Tinukoy pa ni Villanueva ang pagtaya ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na posibleng umabot ng P6 billion kada araw ang mawawala sa ekonomiya ng bansa pagdating ng taong 2030 dahil sa matinding trapiko.
Dahil aniya rito ay kailangang i-review ang mga polisiya, programa at plano ng Department of Transportation, Metropolitan Manila Development Authority, Department of the Interior and Local Government at iba pang ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko sa mga lansangan sa bansa.