Hinikayat ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Raymund Yamsuan ang Philippine National Police (PNP) na isailalim sa regular na pagsasanay ang mga pulis kaugnay sa tamang paggamit ng body-worn cameras (bodycams).
Ayon kay Yamsuan, kailangan ding sanayin ng PNP ang mga technical personnel nito na siyang mag-iingat at titiyak sa integridad ng recordings mula sa bodycams na gagamiting ebidensya sa iba’t ibang mga kaso.
Mungkahi ito ni Yamsuan sa harap ng plano ng Pambansang Pulisya na bumili ng 22,000 bodycams ngayon taon na popondohan ng P807.3 million sa ilalim ng pambansang budget.
Diin ni Yamsuan, napakahalaga ng paggamit ng bodycams upang maproteksyunan ang mamamayan at mga awtoridad laban sa iba’t ibang akusasyon ng pag-abuso.
Sabi ni Yamsuan, paraan din ang paggamit ng bodycams para mapanatili ang tiwala ng taumbayan sa mga operasyon ng pulisya.