Oobligahin nang pumasok araw-araw sa kanilang trabaho ang mga pulis na nakatalaga sa Camp Crame sa Quezon City.
Ito sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief General Debold Sinas sa harap ng kanyang apela sa mga pulis na kailangang mabago ang sistema ng kanilang pagtatrabaho sa ilalim ng new normal.
Ayon kay Sinas, balik na sa normal ang trabaho ng mga pulis at ipinagbabawal na ang pagpapatupad ng alternate work schedule na unang ipinatupad sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Paliwanag ng PNP Chief, masyadong naaantala ang trabaho ng mga pulis sa ilalim ng alternate work schedule at tiyak na apektado rito ang kanilang pagbibigay serbisyo.
Bawal na rin aniyang isailalim sa lockdown ang isang opisina kung may empleyado na nagpositibo sa COVID-19 kaya’t kinakailangan ng internal strategy para maalagan ang kanilang kalusugan sa pangunguna ng PNP Health Service.
Isa sa strategy ay ilipat sa ibang himpilan na kulang sa tao ang mga pulis na pumapasok sa mga police station na siksikan o marami na.
Kinakailangan rin ayon kay Sinas na kapag may nagpositibo sa isang opisina ng PNP mag-disinfect agad at maglinis at kapag nagawa na ito tuloy na ulit ang pagtatrabaho at hindi kailangan ang 14-day lockdown.