Sinampahan na ng reklamo ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ng 3 counts of murder at iba pa, ang mga pulis na sangkot sa pagpatay sa 28-anyos na rent-a-car driver at sa dalawang iba pa sa Barangay Busac, Oas Albay.
Kasama ng NBI na nagsampa ng reklamo sa DOJ si Ginang Evelyn Samson Bautista, ina ng biktimang si Jose Maria Arvin Samson Bautista at ang maybahay ng biktima na si Frances Louissie Bautista.
Kabilang sa mga sinampahan ng reklamong murder at planting of evidence ay sina:
1. Oas Chief of Police, Major Jerald John Villafuerte
2.Police Major Ray Anthony Villanueva
3.Police Captain Raul Racho
4.Police Liutenant Victor B.Borjal
5.Police Staff Sergeant Mark Anthony Reblora
6.Police Master Sergeant Nestor Salire Jr y Orosco
7.Patrolman Geoffrey Avila
8.Police Staff Master Sergeant Romeo R.Raro Jr
9.Police Chief Master Sergeant Marvin Boral
10.Police Staff Sergeant Henry Ballon at
11.Police Staff Sergeant Mark Jay Sevilla
Magugunitang si Bautista ay umalis sa Valenzuela City noong July 19, 2021 bilang driver ng rent-a-car.
Kinabukasan, July 20 ay nakatanggap ng tawag sa cellphone ang misis ng biktima, mula sa nagpakilalang pulis ng Oas, Albay at sinabing kasama ang kaniyang anak sa tatlong napatay sa sinasabing shootout.
Batay sa 211 pahinang complaint affidavit na inihain ng NBI sa DOJ ay nakasaad na lumitaw sa kanilang imbestigasyon at nakalap na mga ebidensya na hindi shootout ang nangyari dahil negatibo sa powder burns o sa paraffin test ang tatlong biktima na ibig sabihin ay hindi sila nagpaputok.
Lumalabas din na itinanim lang ang mga baril na narekober sa crime scene, walang tama ng mga bala ang salamin at pintuan ng sasakyan, binaril na tila nakaluhod ang mga biktima dahil pababa ang trajectory o direksyon ng mga bala; at iba pang mga ebidensya na taliwas sa sinasabi ng Oas Albay Philippine National Police (PNP).
Lumitaw pa sa re-autopsy ng NBI na may mga sugat sa kamay si Bautista na palatandaang iginapos o ipinosas ito bago binaril.
Batay sa Facebook page ng Oas, Albay PNP, narekober sa crime scene ang 350 grams ng hinihinalang shabu at walang nakasulat doon na may nakumpiskang mga baril, pero sa kanilang accomplishment report ay bigla raw nagbago at nakasaad na may narekober na silang isang colt .45 caliber at dalawang .38 caliber na hindi naman tumugma sa imbestigasyon ng NBI dahil lumitaw na planted ang lahat ng mga ebidensya laban sa mga biktima.