Mga relief goods sa mga calamity areas, pinatitiyak na ng DSWD na madala ngayong araw sa mga apektadong lugar ng Bagyong Paeng

Tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na makararating na ang mga ayuda o tulong sa mga kababayan na lubhang naapektuhan ng Bagyong Paeng.

Sa isinagawang presscon sa tanggapan ng DSWD inatasan ni Secretary Tulfo ang lahat ng mga opisyal ng ahensiya sa mga apektadong lugar sa Mindanao at Visayas maging sa National Capital Region (NCR) at Region 3 na agad magpadala ng tulong at wala ng dahilan pa upang hindi makararating ang ayuda sa mga biktima ng Bagyong Paeng.

Agad nagpalabas ng inisyal na ₱10 milyong pisong pondo ang DSWD para sa mga kababayan sa Mindanao at Visayas na binaha at mga nasawi dahil sa Bagyong Paeng.


Sa isinagawang virtual meeting sa tanggapan ng DSWD ini-report ni Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Weather Forecaster – Raymond Ordinario na mayroon pang paparating na bagyo sa bansa bukod kay Paeng kaya’t agad-agad nagpalabas ng direktiba si Secretary Tulfo sa lahat ng mga opisyal ng ahensiya na mag-prepositioning na agad sa mga lugar na posibleng dadaanan ng bagyo upang makapaghanda at magbigay ng tulong sa mga apektado na paparating na bagyo.

Paliwanag pa ni Secretary Tulfo na 14,000 food packs ang inihanda sa Region 12 at 35,000 sako ng bigas ang kanilang inihahanda kung saan umaabot naman sa 7,374 ang mga nasa evacuation center na pinadalhan na ng tulong ng DSWD.

Binigyang diin pa ng kalihim na laging mayroong pondo ang DSWD upang ipamahagi anumang oras na kakailanganin ng ating mga kababayan na maaapektuhan ng kalamidad.

Facebook Comments