Sa pagdinig ng Committee on Public Order na pinamumunuan ni Senator Bato dela Rosa ay ibinida ng Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang mga repormang ginawa nito.
Pangunahing binanggit ni IAS Chief Atty. Alfegar Triambulo ang pagkakaroon ng content management interoperability services na gamit sa monitoring ng kaso.
Binanggit din ni Triambulo ang paglalagay ng alarm sa computer ng mga imbestigador para ipaalala deadline o timeline sa pagresolba nila ng mga kaso sa loob ng 30 hanggang 40 araw.
Sinabi rin ni Triambulo ang pagpapalawak sa case monitoring nila sa pamamagitan ng paglalagay ng feedback mechanism.
Ang PNP-IAS ay ang nag-iimbestiga sa mga pulis na inaakusahang lumabag sa PNP procedures at regulations.
Samantala, sa hearing ay kinwestyon naman ni Senator Dela Rosa kung bakit napakatagal ng delivery ng mga body camera para sa mga pulis na in-order noong siya pa ang pinuno ng PNP.
Tiniyak naman Police Brigadier General Heminio Tadeo Jr. na paparating na ang mga body cam at agad nilang aabisuhan si Dela Rosa kapag ito ay nai-deliver na.