Mga residente sa Laurel, Batangas, binigyan ng ‘window hours’ para makauwi sa kanilang mga bahay

Pinayagan ng lokal na pamahalaan ng Laurel, Batangas na makauwi sa kanilang bahay ang ilang nagsilikas na residente matapos mag-alburoto ang Bulkan Taal na nasa Alert Level 3.

Pero ayon sa Laurel Local Government Unit (LGU), tanging heads of household lamang ang pwedeng lumabas at kailangang pumirma sila sa isang waiver.

Maliban dito, kailangan ding makabalik sila sa evacuation center sa loob ng tatlong oras.


Maaari silang lumabas simula ng alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.

Ang mga lumikas na mga residente ay mula sa mga barangay ng Buso-buso, Gulod at Bugaan East na nasa loob ng 7 kilometer radius danger zone ng bulkan.

Tiniyak naman ni Laurel Mayor Joan Amo na matagal na nilang pinaghahandaan ang pag-aalburoto ng bulkan.

Sa katunayan, may ordinansa na sa bayan ang paghahanda ng pamilya ng “go bag” na may lamang first aid kit at pang tatlong araw na pagkain.

Facebook Comments