Patuloy ang ilang mga residente dito sa may bahagi ng Delpan Bridge sa Tondo, Manila, partikular ang malapit sa Ilog Pasig sa pagkuha ng ilang mga gamit o bagay na pwede pa nilang mapakinabangan.
Ito’y matapos ang nangyaring sunog noong Sabado na ang dahilan ay ang nasunog na vessel na MV Titan 8.
Nasa 100 bahay kabilang ang ilang establisyimento ang natupok ng apoy kung saan 200 pamilya ang nawalan ng tirahan.
Tinatayang aabot sa P30 milyon ang halaga ng mga ari-arian na natupok.
Ang ibang residente ay agad na inilipat sa pansamantalang evacuation sites tulad ng Abad Santos High School at Agoncillo Elementary School.
Patuloy silang inaalalayan ng lokal na pamahalaan ng Maynila at ng ibang ahensiya ng gobyerno.
Samantala, hinihintay pa rin hanggang sa ngayon ng Philippine Coast Guard ang resulta ng pagsusuri ng SOCO sa natagpuang bangkay malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Ang nasabing sunog na bangkay ay natagpuan ng tauhan ng PCG kaninang alas-7:10 ng umaga.