Mga residenteng nasunugan sa Sta. Mesa, Maynila umaapela ng karagdagang tulong

 

Sa tabing-kalsada ng De Dios Street nagpalipas ng magdamag ang karamihan sa 23 pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa nangyaring sunog sa residential area sa Brgy. 632, Sta. Mesa, Maynila kahapon.

Karamihan sa mga nasunugan ay walang naisalbang gamit dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy sa mga bahay na karamihan ay luma at gawa sa kahoy.

Ang ibang nasunugan nagpalipas ng magdamag sa chapel ng barangay, habang ang iba ay sa kalapit na Pio Del Pilar Elementary School.


Ayon sa mga kagawad ng barangay, hinihintay pa rin nila ang pagdating ng modular tents at relief packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa loob ng magdamag ay wala silang natanggap na inisyal na tulong mula sa lokal na pamahalaan kaya nananawagan sila ngayon na sana ay magbigay na ng tulong gaya ng pagkain, damit, gamot at gamit para sa mga bata.

Nakakurdon pa rin ngayon ang mga bahay na nasunog para sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), pero posibleng sa nag-overheat na electric fan umano nagsimula ang apoy kung saan umabot ng ikalawang alarma ang insidente.

Facebook Comments