Mas pinili na lamang ng karamihan sa mga restaurant owner na magsara na lang ngayong nasa ilalim ang NCR Plus areas ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) hanggang katapusan ng Abril.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez na sa ngayon kasi ang pinapayagan lamang ay outdoor dining o al fresco, take out at delivery.
Ani Lopez, sa kabuaan ay wala pa sa 10% ng kabuuang bilang ng mga restaurant dito sa Metro Manila ang mayroong outdoor dining.
Karamihan kasi aniya sa mga ito ay nasa loob ng gusali o mga mall.
Resulta aniya rito ay kawalan ng hanapbuhay lalo na ang mga nasa food services sa mga nasabing restaurant.
Base sa kanilang datos, nasa dalawang milyong mga Pilipino ang nagtatrabaho sa mga restaurant at dahil kakaunti lamang ang may outdoor dining, marami sa kanila ang wala ring hanapbuhay sa ngayon.
Isama pa aniya dito ang mga nagtatrabaho sa barberya, salon at spa dahil hindi pa sila maaaring makapag-operate.
Kasunod nito, umaasa si Lopez na bababa na ang kaso ng COVID-19 lalo na sa Metro Manila at magkakaroon na ng sapat na health care utilization upang muli tayong maisailalim sa General Community Quarantine (GCQ) nang sa ganoon ay makapaghanapbuhay na ang ilan nating mga kababayan.