
Hinamon ni Senator Ping Lacson ang mga lider ng Kamara na patunayan sa mismong aktwal na alokasyon sa budget ang pahayag na dapat unahin ang mahihirap na LGU sa pagtatayo ng mga multipurpose building (MPB).
Sinabi ni Lacson na bagama’t nagpahayag ang mga lider ng Kamara na kailangang ang mga nasa laylayan ang makinabang sa MPB bilang sentrong pangkomunidad at barangay hall, lumalabas sa 2027 national budget na sa mga MPB, 78 percent ang mapupunta sa first-class municipalities at nasa 1.6 percent lamang ang para sa fifth-class municipalities.
Giit ni Lacson, sundan dapat ng mga kongresista ang kanilang mga sinasabi na bigyan ng mas maraming suporta ang mga mahihirap na lugar sa mga itatayong MPB subalit kabaligtaran aniya ang nangyayari kaya mahirap mapaniwalaan.
Ikinakabahala ng senador na lantad sa korapsyon ang mga MPBs dahil maaari itong magkaroon ng kickback na aabot sa 10 percent.
Dahil dito, maghahain si Lacson ng kaukulang amyenda sa panukalang budget para gawing patas ang pamamahagi ng mga MPB.










