Mga ruta na dadagsain ng mga pasahero sa paggunita ng Undas, madagdagan ng mahigit 600 bus units ayon sa LTFRB

Aabot sa 615 na mga bus units ang madadagdag sa mga ruta na maraming sumasakay kapag panahon ng paggunita ng Undas.

Sa Laging Handa public briefing , sinabi ni Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) Technical Division Head Joel Bolano na nagbukas sila ng application para sa special permit simula noong October 3 at umabot aniya sa 256 operators ang nag-a-apply ng special permit para makapag-operate sa mga ruta na dadagsain ng mga pasahero.

Inaasahang ire-release nang kanilang board ang special permit sa mga operators bago ang araw ng Biyernes.


Simula kasi aniya sa October 28 o sa darating na Biyernes hanggang November 3 o araw ng Huwebes sa susunod na linggo ang itatagal ng Oplan Undas ng LTFRB.

Kaugnay nito, nagtutuloy-tuloy aniya ang inspection ng LTFRB sa mga terminal operators katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno katulad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Police (PNP), Local Government Unit (LGU) at Land Transportation Office (LTO) para matiyak na magiging maayos ang sitwasyon ng mga pasahero sa mga terminals.

Simula rin aniya sa October 27 o araw ng Huwebes ay pagaganahin na ang mga inilagay na one stop help desk para makatulong sa mga biyahero.

Ilan sa mga nilagyan ng one stop help desk ay ang area ng Pasay, Quezon City, Manila, bahagi ng Buendia at Caloocan.

Facebook Comments