Hinimok ni Senator Joel Villanueva ang gobyerno na paramihin pa ang mga vaccination sites tulad ng ginagawa ng iba’t ibang mga Local Government Unit (LGUs) upang maabot ang mas maraming mamamayan at magamit agad ang mga bakunang malapit nang mag-expire.
Katwiran ni Villanueva, kung kaya ng ibang lokal na pamahalaan sa Metro Manila na magsagawa ng drive-thru, home delivery at ipaubaya sa mga village ang pagbabakuna ay maaari rin itong gawin ng gobyerno ng mas malawakan.
Hiniling din ni Villanueva na payagan ang mga pribadong ospital na magsagawa ng pagbabakuna, dagdag pa ang iba’t ibang mga lider ng simbahan na handang buksan ang kanilang mga pinto para maging vaccination site.
Si Senator Nancy Binay naman ay pinapalabas na sa Department of Health (DOH) ang mga stocks ng bakuna para ipamahagi na agad sa mga nangangailangang LGU.
Mungkahi pa ni Binay, kung kinakailangan ay gamitin na ang mga nakaimbak na bakuna sa mga nasa A4 category na kinabibilangan ng mga essential workers.
Pinabibilisan naman ni Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan ang rollout ng COVID-19 vaccines sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pribadong sektor at pagbubukas ng mas maraming vaccination sites.