Hindi na ikinagulat ng mga senador ang pagbabalik ng problema sa trapiko sa Metro Manila sa kabila ng patuloy na pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ).
Sa tingin ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, ang pinaka-mabisang solusyon dito ay ang paluwagin ang Metro Manila at iba pang lungsod sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa kanayunan at pagpapatuloy ng Balik Probinsya program.
Suhesyon naman ni Senator Joel Villanueva, isama sa priority ng COVID recovery plan ang pag-papahusay sa public transportation at pag-develop ng green transportation alternatives.
Suportado rin ni Villanueva ang polisiya kaugnay sa pagtatatag ng bike lane sa EDSA dahil kailangang magkaroon ng alternatibong transportasyon lalo na ang mga manggagawa.
Iginiit naman ni Senator Imee Marcos sa Department of Transportation at Metro Manila Development Authority na huwag makuntento sa paglulunsad lang ng mga bagong sistema para tugunan ang masikip na daloy ng trapiko.
Umaasa si Marcos na ang bawat sistema o patakarang ipinapatupad ay pinag-aaralan at minomitor ng mabuti para mapahusay o mabago kung kinakailangan.
Dismayado naman si Senator Nancy Binay na sa loob ng siyam na buwang nasa ilalim ng community quarantine ang Metro Manila ay nananatili pa rin ang mga eksperimento at wala pa ring resonableng solusyon ang DOTr sa problema sa trapiko.
Ayon kay Binay, wala pa rin ang mga bagon ng Dalian, hindi pa rin plantsado ang loading and off-loading stations, hindi pa rin naka-loop ang route linkages and inter-connections at ang karamihan sa mga pampublikong sasakyan ay hindi pa rin mahigpit na nakakasunod sa public health protocols.