Hinamon ni House Appropriations Committee Chairman Rolando Andaya Jr., si Senate President Tito Sotto III na tukuyin na ang mga senador na nagpatupad ng budget cuts.
Ayon kay Andaya, hindi na kailangang humanap ni Sotto ng matalinghaga at makapangyarihang mga salita sa diksyunaryo para ipaliwanag ang ginawa nilang pagkaltas sa pondo sa ilang mga programa.
Sa halip na ilihis ang atensyon ng publiko ay panahon na aniya para ibunyag ni Sotto kung sinu-sinong mga senador ang nagpatupad ng budget cuts at ipakita kung saan na-realign ang mga item.
Nanindigan naman si Andaya na tinapyasan ng Senado ang pondo para sa Build, Build, Build program at iba pang social services para ilipat sa ibang proyekto o ahensya habang ang iba ay hindi na malaman kung saan napunta.
Una rito ay inakusahan niya ang mga senador na nagkaltas ng P39 billion na dapat sana ay para sa pension and gratuity fund ng AFP personnel, P13.4 billion mula sa miscellaneous personnel benefit fund, P11 billion para sa right-of-way projects ng DPWH at iba pa.