Mga senador, nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng yumaong si Sec. Toots Ople

Nagpaabot ng pakikiramay ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa pamilya ng pumanaw na si Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople.

Sa gitna ng sesyon ay sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na isang malungkot na araw para sa lahat ng mga manggagawa at OFWs ang kamatayan ng isang matalik na kaibigan hindi lamang para sa kanya kundi sa buong sambayanan.

Sinabi naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na kayayao lang ng dalawang kapatid ni Sec. Ople at wala pang isang buwan ay nasundan na ito agad ng kalihim.


Aniya, hindi pa siya nakarinig na tatlong magkakapatid ay magkakasunod na pumanaw sa loob lang ng isang buwan.

Sinabi pa ni Villanueva, nang ipasa ng Senado ang Department of Migrant Workers, wala silang ibang naisip na maayos na mamumuno rito kundi si Sec. Ople.

Para naman kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, ang biglaang pagpanaw ni Sec. Toots ay isang malaking kawalan sa buong bansa.

This slideshow requires JavaScript.

Sa panahon aniya ng panunungkulan ng Kalihim sa DMW ay naging tunay na tahanan ng mga OFWs ang ahensya.

Dagdag pa ni Pimentel, nagkaroon siya ng pribilehiyo na makatrabaho si Sec. Toots hindi lang sa pulitika kundi sa airwaves na rin bilang co-anchor sa radio program kaya naman hindi lang basta katrabaho ang nawala sa kanya kundi isang tunay na kaibigan.

Si Sec. Toots Ople ay matagal ding naging anchor ng DZXL sa programa nitong “Bantay OFW”.

Facebook Comments