Mga senador, umaasa na hindi senyales ng pagpalpak ng online learning ang sablay na internet signal ng NTC sa pagdinig ng Senado

Nabigo ang National Telecommunications Commission (NTC) na makalahok sa virtual hearing na isinagawa ngayong araw ng Committee on Basic Education na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian.

Ayon kay NTC Deputy Commissioner Edgardo Cabarios, mahinang internet o technical problem ang dahilan kaya hindi sila makapasok sa virtual hearing na tumalakay sa preparasyon para sa pagbubukas ng klase sa August 24, 2020.

Dahil dito, tila humihina ang pag-asa ni Gatchalian sa ikatatagumpay ng online learning na ipapatupad sa bansa dahil ang NTC ang regulator ng mga telecommunication companies.


Iginiit naman ni Senator Francis Tolentino, dapat ay NTC ang may pinakamalakas na signal kasabay ang tanong kung nagpapractice ba ito ng state of the art technology.

Lumabas sa pagdinig na marami pang dapat gawin ang Department of Education (DepEd) para sa paghahanda sa ikakasang distance learning para proteksyunan ang mga mag-aaral laban sa COVID-19.

Facebook Comments