Tuesday, October 27, 2026

Mga senior citizen na solong namumuhay, dapat subaybayan ng mga opisyal ng barangay sa gitna ng matinding El Niño

Nananawagan si Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ompong Ordanes sa Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Health (DOH) na bumalangkas ng malinaw na protocols para matutukan sa bawat barangay ang mga nakakatanda nating kababayan na solong namumuhay.

Nag-aalala si Ordanes kung sino ang tutulong sa mga senior citizen na mag-isang namumuhay kapag sila ay nahilo, nanghina, o nawalan ng malay dahil sa matinding El Niño.

Ayon kay Ordanes, pwedeng buhayin ang Barangay Health Emergency Response Teams na katulad noong COVID 19 pandemic para maging katuwang ng barangay health workers sa pagtutok sa kalusugan ng mga lolo at lola sa bansa.

Katwiran ni Ordanes, ang mga senior citizen ay lubhang delikado na makaranas ng mga sakit na dulot ng labis na tagtuyod tulad ng dehydration, heat exhaustion, at heatstroke kaya dapat silang bantayan katulad din ng mga may kapansanan at iba pang may problemang pangkalusugan.

Giit ni Ordanes, huwag na nating hintaying may matandang matagpuang walang malay o wala nang buhay sa loob ng kanyang tahanan bago tayo kumilos kung saan ang simpleng pagdalaw at pagkumusta sa kanila mula sa barangay ay maaaring makapagligtas ng buhay nila.

Facebook Comments