
Hinimok ng Minority Bloc sa Senado ang gobyerno na magsagawa ng dayalogo sa counsel ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa para sa mapayapang resolusyon.
Kaugnay na rin ito sa P50 million reward na ipinatong ng gobyerno para sa ikadarakip ni Dela Rosa na hanggang ngayon ay nagtatago pa rin mula sa pagaresto ng International Criminal Court (ICC).
Sa statement na inilabas ng minorya, naninindigan sila sa pagtatanggol sa karapatan ni Sen. Bato para sa due process at sinusuportahan din nila ang panawagan ng senador na sasagutin lamang niya ang mga akusasyon laban sa kanya sa mga korte dito sa Pilipinas.
Naniniwala ang minority bloc na posible pa rin ang mapayapang resolusyon na gumagalang sa batas at pumoprotekta sa buhay ng mga tao.
Iginiit din ng Minorya na handa silang makipagtulungan para sa naaayon sa batas na proseso kung saan masasagot at mapapakinggan ang mga alegasyon ng patas at mabigyan ng buong pagkakataon si Dela Rosa na depensahan ang sarili.
Dagdag pa ng minorya, ang tanging hiling nila ay protektahan ang soberenya at manatiling sentro ng desisyon ng gobyerno ang karapatan ng mga mamamayan.










