
Kinalampag ni Senator Erwin Tulfo ang mga power distribution utilities na maging makatao sa singil sa kuryente.
Kasunod na rin ito ng mga reklamong nakarating sa tanggapan ng senador tungkol sa biglang pagtaas ng kanilang bayarin sa kuryente dahil sa bill deposits.
Nakapaloob sa “Magna Carta for Residential Electricity Consumers,” ang bill deposit kung saan ito ay halagang kinokolekta mula sa consumers sa buong bansa upang magsilbing garantiya sa pagbabayad ng nakonsumong kuryente ngunit hindi nabayaran sa takdang petsa.
Gayunman, pinuna ni Tulfo na sa kabila ng pagpapaliban ng Meralco sa pagpataw ng naturang bill deposit, hindi naman malinaw sa mga consumers kung papaanong biglang tumaas ang singil sa kuryente.
Iginiit ng senador na gampanan ng mga kumpanya ang kanilang corporate social responsibility na payagan ang mga consumers na magbayad ng hulugan at huwag nang magpataw ng karagdagang singil.










