Tuesday, March 17, 2026

MGA SIBILYAN, NAKIISA SA KAMPANYA KONTRA LOOSE FIREARMS SA ILOCOS REGION; 48 BARIL, BOLUNTARYONG ISINUKO

Hindi lamang sa operasyon ng pulisya umasa ang kampanya laban sa ilegal na armas, kundi maging ang pakikiisa ng mga sibilyan ang naging susi sa matagumpay na resulta ng pinaigting na anti-loose firearms drive ng Police Regional Office 1 sa Ilocos Region.

Sa ulat mula Marso 8 hanggang 14, 2026, umabot sa kabuuang 67 baril ang nasamsam, narekober, isinuko, at idineposito sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon. Kapansin-pansin na 48 sa mga ito ay boluntaryong isinuko ng mga sibilyan bilang suporta sa kampanya ng kapulisan laban sa loose firearms.

Bukod dito, walong baril ang kusang idineposito para sa ligtas na pag-iingat, habang pitong baril ang nakumpiska at apat ang narekober sa serye ng pitong operasyon. Nagresulta rin ang mga operasyong ito sa pagkakaaresto ng 11 indibidwal na sangkot sa ilegal na pag-iingat ng armas.

Binigyang-diin ng hanay na ang pagkakaroon ng loose firearms ay nagdudulot ng panganib sa buhay at maaaring maghasik ng takot sa mga komunidad, kaya’t hinihikayat ang lahat na makiisa sa mga programa ng pulisya.

Patuloy naman ang panawagan ng PRO 1 sa publiko na suportahan ang mga hakbang ng pamahalaan laban sa ilegal na armas upang matiyak ang kaligtasan at katahimikan sa buong rehiyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments