Mga silid-aralan na kulang mula elementarya hanggang high school, higit 200,000 na

Aabot na sa mahigit 200,000 ang kulang na mga silid-aralan mula elementarya hanggang high school.

Sa budget deliberation para sa susunod na taong pondo ng Department of Education (DepEd), sinabi ni Senator Pia Cayetano na batay sa datos ng ahensya, 167,901 ang kakulangan ng mga silid-aralan ngayon habang 37,795 naman na silid-aralan ang nangangailangan ng pagkukumpuni matapos sirain ng mga nagdaang bagyo.

Tinatayang mangangailangan naman ng ₱419.78 billion para maipagawa ang mga kailangang classroom at ₱45.7 billion para kumpunihin ang mga nasirang silid-aralan.


Aminado naman si Cayetano na higit 60 taon ang kakailanganin para ganap na mapunan ang mga kulang na silid-aralan sa bansa.

Pinunto rin ni Senate Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian na bukod kasi sa paghahanapan ng pondo, isa pang hamon sa ganap na pagtugon sa classroom shortage ang absorptive capacity ng DepEd, maging ng mga lokal na pamahalaan para sa pagtugon dito.

Facebook Comments