PULIS NA TUBONG IFUGAO, NASAWI HABANG NASA OPERASYON

Patay ang isang pulis na tubong Mayoyao, Ifugao ngunit nadestino sa Quezon City matapos mabaril ng isang lasing na suspek nitong Linggo, Nobyembre 13, 2022.

Kinilala ang nasawi na si PCpl Noel Ogano mula Mayoyao, Ifugao na miyembro ng QCPD SWAT Team na rumesponde sa isang ulat ng indiscriminate firing na naganap bandang 11:30 ng umaga sa Blk. 31.

Habang ang suspek naman ay kinilala na si Martin Luther Nuñez, 42-taong gulang, dating PMA cadet, na nakasakay sa isang kulay puting Grandia.

Ngunit habang nasa negosasyon sa bahay ng suspek sa Blk 11 Lot 4, Palmera Homes, Nova East, Maligaya Parkland, Brgy 177, Caloocan City, pinaputukan ni Nuñez ng baril ang mga operatiba.

Sa kasamaang palad, napuruhan si PCpl Ogano habang sugatan din si PLTCol Herry Castillo, Deputy Commander ng District Mobile Force Battalion.

Tumagal umano ang palitan ng putok ng baril sa pagitan ng mga operatiba at suspek ng tatlumpung minuto.

Ayon sa mga ulat, nagawa naman magtapon ng tear gas ng SWAT team dahilan upang ma suffocate ang suspek na nagresulta na kanyang pagkahuli at pagkarekober ng baril kay Nuñez.

Nagpahayag naman ang PNP ng kanilang pagluluksa sa pagkawala ng isang magiting nilang kasamahan na nag-alay ng buhay habang tinutupad ang kanyang sinumpaang tungkulin.

Ipinaabot din nila ang pakikiramay sa naulilang pamilya ng nasawing pulis.

Facebook Comments