Mga sinalakay na establisyemento na pugad ng prostitusyong pinapatakbo ng POGO, nakakapag-operate pa rin

Dismayado si Senator Risa Hontiveros sa impormasyon mula sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na nakakapag-operate pa rin umano ang ilang mga establisyemento kahit sinalakay na ito dahil sa pagiging pugad ng prostitusyong pinapatakbo ng Chinese nationals na umano’y konektado sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Sabi ni Hontiveros, parang “cat and mouse operation” ang sitwasyon kung saan patuloy ang paghabol ng mga otoridad sa mga hotel, condotel, KTV bar at iba pang establisyemento na nagsisilbing prostitution den.

Halimbawa umano nito ang Manila Wellness Spa na matatagpuan sa 3rd floor ng Diamond Bay Tower sa bahagi ng Roxas Boulevard sa Baclaran na ni-raid na noong September ng nakaraang taon pero nakakapag-operate pa rin.


Sa nabanggit na raid ay dinampot ang mahigit 50 sex workers na Chinese women at 13 Chinese na nangangasiwa sa lugar.

Kaugnay nito ay plano Hontiveros na ipatawag sa susunod na pagdinig ang mga opisyal ng Local Government Units o LGUs para alamin ang kanilang mga hakbang laban sa mga establisyemento na ginagamit sa mga illegal na aktibidad tulad ng trafficking, prostitution at illegal recruitment.

Facebook Comments