Nakatanggap ng siyam na milyong pisong reward ang mga sundalo sa Eastern Mindanao Command (EastMinCom) mula kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos na mapatay sa kanilang mga operasyon ang mga lider ng New People’s Army (NPA).
Ayon kay EastMinCom Spokesperson Major Alex Mindalano mismong si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Cirilito Sobejana ang personal na nag-abot ng siyam na milyong piso sa mga top-performing unit ng EastMinCom na nakapatay sa mga NPA leader sa kanilang ikinasang operasyon simula nang nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan.
Mula sa siyam na milyong pisong reward, dalawang milyon ay ibinigay sa Military Intelligence Group– 16, ISAFP; limang milyon sa 11th Intelligence & Security Unit of the Army Intelligence Regiment; dalawang milyon sa 67th Infantry Battalion at dalawang milyon ay sa 90th Infantry Battalion, 6th Infantry Division ng Western Mindanao Command.
Kaugnay nito, nilinaw naman ni Sobejana na kahit walang monetary reward mula sa Pangulo ay patuloy na gagampanan ng Militar ang kanilang mandato na pagsilbihan at protektahan ang mga Pilipino.