Mga supermarkets, groceries at convenience stores, magbebenta na rin ng murang bigas ayon sa DA

Mabibili na rin sa mga supermarkets, groceries at convenience stores ang abot-kayang presyo ng bigas.

Kasunod ito ng pakikipag-usap ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa mga kinatawan ng supermarkets, groceries at convenience stores.

Ipinaliwanag ng kalihim ang inisyatiba ng gobyerno na layuning mapatatag ang presyo ng bigas at mapalakas ang access ng mga mamimiling Pilipino.


Sa pamamagitan ng mahigit 3,200 retail outlets kabilang na dito ang SM, Robinsons, 7-Eleven, Puregold at MerryMart, nakikita ng Department of Agriculture (DA) na mahalaga ang networks na ito upang maabot ang milyon-milyong consumers kada araw.

Target ng programa na masimulan sa Metro Manila, kung saan ang presyo ay nananatiling mataas sa kabila nang pagbawas sa taripa at mababang pandaigdigang presyo.

Mayroon itong dalawang pangunahing bahagi: 1.) ₱29 Rice – matagal ng reserba mula sa National Food Authority (NFA) para sa mga mahihirap na sektor;

2.) Rice-for-All (RFA) Program – nag-aalok ng iba’t ibang uri ng bigas kabilang na ang RFA5 (5% broken), RFA25 (25% broken), at RFA 100 (100% broken) o Sulit Rice.

Facebook Comments