Cauayan City, Isabela – Muling nanindigan ang pamunuan ng Police Regional Office 02 (PRO2) Tuguegarao City na dating mga kasamahang New People’s Army (NPA) din ang may kagagawan sa pagkamatay ni NDFP Consultant Randy Malayao.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan kay Regional Director Police Chief Superintendent Jose Mario Espino kanyang sinabi na ito ang pinakamalaking anggulo at motibo na nakikita hangga’t hindi pa naibabalik ang mga gamit ni Malayao.
Aniya, dapat lamang na tignan ang lahat ng anggulo at kinakailangan umanong maibalik na ang mga kagamitan ni Malayao bilang vital evidence upang mapabilis ang pagresolba sa kaso.
Kaugnay nito, patuloy pa din ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad.
Matatandaan na noong Pebrero 01, 2019 ay sinibak sa pwesto ang Provincial Director ng PNP Nueva Vizcaya na si PSSupt. Jeremias Aglugub at hepe ng PNP Aritao na si Police Chief Inspector Giovanni Cejes dahil sa umano’y Mishandling of evidence sa kaso ng pagpatay kay Randy Malayao kung saan magagamit dapat sa imbestigasyon ang mga gamit nito.
Samantala, binigyang pagkilala ni RD Espino ang ilang pulis dahil sa ipinakitang magandang accomplishment lalo sa kampanya sa droga sa kanilang kinasasakupan.