Marami sa mga taga-Cebu City ang itinatago ang tunay nilang kalagayan sa pagkakaroon ng COVID-19.
Ito ang ibinunyag ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 Vice Chairman at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa Laging Handa public press briefing.
Kaya ang resulta, mataas ang tiyansa na makahawa sila sa kanilang mga nakakasalamuha
Dahil dito, pinayuhan ni Año ang mga Cebuano na huwag magdalawang isip na pumunta agad sa ospital kung mayroong nararamdamang sintomas ng COVID-19.
Isa aniya ito sa mga dahilan kung bakit marami sa mga kaso ng COVID-19 sa Cebu City ay agad namamatay ang pasyente nasa emergency room pa lang.
Aminado si Año na marami pang kailangang gawin sa Cebu City bago tuluyang bumaba ang kaso ng COVID-19 doon.
Maliban sa mas mahigpit na pagpapatupad ng quarantine protocols, kailangan din aniya ng dagdag na mga doctor, nurse at iba pang medical health workers sa mga ospital sa siyudad.
Kailangan din aniyang madagdagan ang quarantine facilities para rito ilagay ang mga nagpositibo sa COVID-19 sa halip na home quarantine at kailangan ding magkaroon ng accommodation facilities sa health workers para hindi na sila uuwi muna sa kanilang mga bahay na posibleng maiuwi nila ang virus sa kanilang mga pamilya.