Wednesday, March 11, 2026

Mga tagasuporta ni FPRRD, nagtungo sa Supreme Court kasabay ng unang taon ng pag-aresto at pagpapadala sa kaniya sa ICC

Nagsagawa ng programa ang mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa harapan ng Korte Suprema ngayong Miyerkules ng hapon.

Kasabay ito ng unang taon ng pag-aresto kay Duterte at pagpapadala sa kaniya sa International Criminal Court.

Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, inaasahang madadagdagan pa ang mga magtutungo rito sa Padre Faura para makiisa sa kanilang kilos-protesta.

Kabilang sa mga grupong narito ang Citizens Crime Watch habang darating din daw ang nasa isang libong miyembro ng volunteer support group ni Vice President Sara Duterte.

Hinihiling din ng mga ito sa mga mahistrado na umaksyon para mapauwi sa bansa ang dating pangulo.

Kanina rin nang sumaglit si Senator Robin Padilla para manawagan sa Kataas-taasang Hukuman na maglabas na ng desisyon kaugnay sa petisyon na kumukuwestiyon sa pag-aresto at pakikipagtulungan ng Pilipinas sa ICC.

Sinabi naman ni Manila Police District (MPD) Spokesperson Police Major Philipp Ines na walang permit ang rally kaya’t pakikiusapan nila ang mga ito na tapusin agad ang programa.

Nauna nang nagtipon-tipon ang ilan nilang kasamahan sa Liwasang Bonifacio bago magtungo sa Supreme Court.

Facebook Comments