Nakakalat na ang 300 personnel ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) partikular ang kanilang Metro Parkway clearing group at ang 1,500 nilang personnel para mangasiwa sa trapiko sa mga terminal ng bus at sa iba’t ibang mga pangunahing sementeryo sa Metro Manila.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Atty. Melissa Carunungan, tagapagsalita ng MMDA na bukod pa ito sa iba pang mga tauhan nila na naka-standby para sa rescue operation in case of emergency.
Sinabi pa ng opisyal, tutulong din ang kanilang mga tauhan sa mga lokal na pamahalaan para sa pagmando sa daloy ng trapiko sa iba pang mga lansangan patungo at palabas ng mga pangunahing pampublikong sementeryo.
Dahil naman sa inaasahan nilang dagsa ng mga pasahero at exodus ng mga sasakyan pauwi ng iba’t ibang lalawigan, sinabi ni Carunungan na sisiguruhin nilang smooth o banayad ang trapiko mula sa mga terminal ng bus patungo sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX).
Samantala, suspendido naman aniya ang number coding scheme sa Lunes at Martes, October 31 at November 1 at babalik sa November 2.