Puspusan ang pagtulong ngayon ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) Station Capiz sa pagpa-pack at pamamahagi ng relief supplies para sa mga apektadong pamilya sa Barangay Cogon at Barangay Dayhagon sa Sigma, Capiz.
Dahil mataas pa rin ang tubig-baha sa lugar dulot ng Bagyong Paeng ay gumagamit ng rubber boat ang mga PCG personnel para maihatid ang tulong sa mga biktima ng bagyo.
Ang nabanggit na relief goods ay mula naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Samantala, una namang inilikas at dinala sa ligtas na lugar ng mga tauhan ng PCG ang mga residente ng Barangay Poblacion Sur, Sigma, Capiz na nakakaranas ng baha dahil sa hagupit ng bagyo.
Ang mga residenteng na-trap sa lugar dahil sa pagbaha ay maingat na iniligtas ng PCG rescuers sa pamamagitan ng lubid at rubber boats at agad din silang sinuotan ng life jackets.