Manila, Philippines – Tinatayang 1,000 provincial bus ang hindi na dadaan sa EDSA sa pagbubukas sa susunod na buwan ng bagong transport terminal sa Marikina City.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, ang pagtatayo ng Metro Manila Eastern Multi-Modal Transport Terminal sa Marikina City (MMEMMTT) ay isa sa mga solusyon para lumuwag ang EDSA.
Ang naturang apat na ektaryang terminal ay matatagpuan sa road interchange na nagdudugtong sa Marcos Highway at C5 road.
Ito ay may kakayahang mag-accommodate ng mga bus, taxi, mga jeep at mga UV express lines.
Sinabi naman ni MMDA Chairman Danilo Lim, ang mga bus mula timog na bahagi ng Metro Manila ay gagamit ng C5 road, ang mga bus mula naman sa Norte ay siya namang gagamit ng Katipunan Ave. at Mindanao Ave.
Habang ang mga bus na papuntang Quezon ay dadaan naman sa Marcos Highway.
Sa kasalukuyan, ang gumagamit sa naturang terminal ay ang ilang bus companies na may biyaheng Antique, Catiklan, Iloilo, Occidental Mindoro at Oriental Mindoro na nakapagtatala ng nasa 2,000 pasahero araw-araw.