MGA TRAYSIKEL DRIVER SA CAUAYAN, PINAALALAHANAN NG POSD

Cauayan City, Isabela- Nagpaalala ang pamunuan ng Public Order and Safety Division o POSD Cauayan sa mga namamasadang traysikel drivers sa Lungsod na pairalin ang pagiging pasensyoso.

Ayon kay POSD Chief Pilarito Mallillin, batid nito ang hirap ngayon ng mga tsuper dahil pa rin sa mga restrictions at number coding scheme na umiiral.

Dumagdag pa aniya rito ang pagtaas ngayon ng presyo ng petrolyo.

Bagamat bahagyang nagluwag ang Lungsod ng Cauayan, kakaunti pa rin ang mga commuter kung kaya’y iilan na lamang ang mga naisasakay ng mga traysikel driver.

Kaugnay nito ay muling nagpaalala si POSD Chief Mallillin sa mga namamasada na sundin pa rin ang umiiral na pamasahe sa Lungsod at iwasang maningil ng sobra sa ipinataw na 13 pesos na minimum fare sa Poblacion.

Magpasalamat na lamang aniya kung may pasahero na magbibigay ng mas mataas sa minimum fare.

Paalala rin nito sa mga Traysikel Operators and drivers ganun na rin sa mga mananakay na sumunod pa rin sa minimum public health standards kahit na bumababa na ang bilang ng COVID-19 cases sa Lungsod.

Facebook Comments