MGA TSUPER SA PANGASINAN, IDINADAING ANG MAS MALIIT NA ROLLBACK KESA DAGDAG PRESYO

Nakatakdang magpatupad ng oil price adjustment ang ilang kompanya ng langis ngayong linggo.

Sa pagtataya ng oil industry, posible ang rollback sa kerosene o gas sa ₱0.70 hanggang ₱0.90. Posible namang magkaroon ng taas-singil sa ₱0.60 hanggang ₱0.80 sa kada litro ng gasolina.

Dahil dito, idinadaing ng ilang Public Utility Vehicle drivers at Operators sa Pangasinan ang pabago-bagong presyo ng produktong langis.

Anila, mas mataas pa umano ang dagdag sa kada litro kesa sa rollback nito.

Dapat umanong maramdaman rin kahit papaano ng mga ito ang malaking pagbaba sa kada litro ng langis na kanilang kinukunsumo upang mabawi ang kitaan sa maghapong biyahe.

Kahit pa umano magkaroon sila ng maraming pasahero sa isang buong araw na biyahe ay matataga pa rin umano sila sa presyo ng langis na sinabayan pa ng nagtataasang bilihin.

Kung magtutuloy-tuloy ito ay maaaring magpatuloy rin umanong humirit ang mga grupo ng mga PUV drivers at operators ng taas pasahe. Samantala, nagpatupad na ng dagdag-presyo na ₱0.70 sa kada litro ng liquefied petroleum gas (LPG) noong unang araw ng Pebrero. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments