Manila, Philippines – Naniniwala ang Palasyo ng Malacañang na dapat ilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga pangalan ng mga pulitikong tumatakbo sa halalan na nasa drugs list ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, dapat ay magkaroon ang ating mga kababayan ng mga pinuno na malinis mula sa iligal na droga, hindi sangkot sa anomang krimen at malinis mula sa anomang kalokohan.
Sinabi pa ni Andanar na kalaban ng lahat ang iligal na droga kaya hindi dapat magkaroon ng mga opisyal na sangkot sa iligal na operasyon nito sa bansa lalo pa at may Executive Order (EO) aniya si Pangulong Rodrigo Duterte na nagi-institutionalize ng mga polisiya sa paglaban sa iligal na droga.
Pero nilinaw din naman ni Andanar na bago ilabas ang mga pangalan ang dapat ay nakasuhan na ang mga personalidad na ito at mayroong mga matitibay na ebidensiya laban sa mga ito dahil mayroon naman aniyang mga karapatan ang lahat at inosinte ang isang akusado hanggang hindi ito napatutunayang may sala.